MANILA, Philippines — Nabulabog ang mahigit 1,000 preso ng Pasay City Jail matapos magkasa ng sorpresang ‘Oplan Greyhound Operation’ ang pinagsanib na puwersa ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), City Anti-Drug Abuse Council (CADAC) at Pasay City Police kahapon ng ma-daling araw.
Alas-4:30 ng mada-ling araw nang sinimulang halughugin ng mga operatiba ang 14 na selda sa Pasay City Jail na may tatlong palapag kung saan nakapiit ang nasa 1,300 inmates.
Isa-isang pinalabas ng selda ang mga preso na pinaghubad ng damit at pinatanggal din ang mga short at jogging pants.
Sabi ni Pasay City Jail Warden Supt. Bernie Ruiz, ilan lamang ang kanilang nakumpiskang kontrabando tulad ng pako, tubo, kahoy, matutulis na gamit kagaya ng ballpen, lapis, nail cutter, lighter, pang-ahit, blade at mga tooth brush na mahigpit na ipinagbabawal sa loob ng selda.
Bukod pa rito nakakuha rin ng mga tali na ginagamit umanong pamingwit ng mga preso sa pagkuha ng mga kontrabando at wala namang nakumpiskang droga.
Dapat aniya 350 bilang na preso lamang ang nakakulong dahil iyun ang kapasidad ng bilangguan, subalit lumobo ito dahil 1,300 nga ang nakapiit dito.