MANILA, Philippines — Habang patuloy na binubusisi sa Senado ang anti-gender discrimination bill, patuloy namang isinusulong ni Quezon City Vice Mayor Joy Belmonte ang commitment ng lokal na pamahalaan na kilalanin ang karapatan ng Lesbian, Gay, Bisexual, Transgender (LGBT) community sa Quezon City.
“Dito sa Quezon City, they [LGBT] are most welcome. We are the most LGBT-friendly city because we have an ordinance in place that recognizes their rights - the rights to receive services the same as everybody else’s right,” pahayag ni Belmonte
Habang pinag -uusapan pa ang “Sexual Orientation and Gender Identity and Expression (SOGIE)” Equality Bill na iniakda ni Senator Risa Hontiveros ay inuudyok ni Belmonte na tangkilikin ng mga taga- QC ang lokal na katumbas nito na “Gender-Fair City” ordinance sa lungsod.
Layunin ng naturang ordinansa na protektahan ang mga karapatan ng mga LGBT sa mga paaralan, mga opisina, at sa mga pangunahing serbisyo.
Bilang presiding officer ng Sangguniang Panlungsod, mahalaga ang naging papel ni Belmonte sa naipasang ordinansa, na ngayo’y itinuturing na isa sa mga nangungunang batas ukol sa gender equality sa Metro Manila.
Isa sa mga programa ni Belmonte na naglalaan ng tulong sa mga LGBT ang Quezon City Protection Center (QCPC) na kanlungan ng mga miyembro ng LGBT, mga kababaihan, at mga kabataan na naging biktima ng karahasan. Sa ngayon, may 1,000 na kliyente na ang natulungan ng protection center.