MANILA, Philippines — Planong dagdagan ni Quezon City Vice Mayor Joy Belmonte ang pagpapatayo ng mga center para sa mga batang may kapansanan upang dito sila mabigyan ng kailangang atensyon at serbisyong medikal na libre mula sa pamahalaang lungsod.
Ito ay inihayag ni Vice Mayor Belmonte nang pangunahan ang pagpapasinaya at pormal na pagbubukas ng kauna unahang Kabahagi Resource Center for Children With Disabilities sa Brgy.Batasan kamakalawa.
Kasama ni Vice Mayor Belmonte sa pagbubukas ng center si QC Rep. Feliciano “Sonny” Belmonte, Civic Lea-der Mikey Belmonte, Deputy Speaker Pia Cayetano at mga opisyal ng Quezon City.
Anya, may 965 na kabataang may kapansanan ang unang makikinabang sa center na unang nagpalista para pagkalooban ng libreng serbisyo rito.
“Sumulat ako sa konseho na i-involve sa project namin ang center na ito sapagkat nakita ko na madaming kulang para sa mga kabataang may kapansanan, may one percent lamang (1%) ng city’s budget ang nailalaan natin sa may disabilities, may 50 hanggang 53 percent lamang ang may ID sa kabila na sobrang dami nila, 73 percent ng children with disability ay walang intervention na natatanggap at 10 percent lamang sa kanila ang nakakapasok sa SPED schools kaya naisip ko pong paglaanan sila ng ganitong programa para sila’y mabigyan natin ng serbisyo ng libre” pahayag ni Vice Mayor Belmonte.
Matindi naman ang pasasalamat ni Congresswoman Cayetano kay Vice Mayor Belmonte dahil sa pagpupursiging maitayo ang naturang center.
“Malapit ito sa aking puso dahil ang ikatlo kong anak na namatay na may trisome 13, para sa mga ina na may ganitong mga anak, ang nararamdaman niyo ay nararamdaman ko rin. Siya ang isa sa nagbibigay ng inspirasyon at lakas sa akin sa araw araw. Nagpapasa-lamat ako kay Vice Mayor Belmonte dahil sa mabilis na pagpapatupad nito. Ang lugar na ito ay may bahagi sa aking puso. Ito ay nagbibigay ng ibang kasiyahan sa akin Kaya gagawin ko ang lahat ng abot ng aking makakaya para makatulong dito”, sabi naman ni Congresswoman Cayetano na guest speaker sa okasyon.
Ang naturang center ay kauna unahang naitayo sa QC sa hanay ng mga LGUs sa bansa partikular sa Metro Manila.
Plano ni Vice Mayor Belmonte na malagyan din ng ganitong center ang ibang distrito sa lungsod upang mabigyan din ng parehong atensiyon ang mga kabataang may kapansanan sa iba pang lugar sa QC.