‘Basag-salamin’ member dedo sa shootout

MANILA, Philippines — Patay ang isang pinag- hihinalaang miyembro ng notoryus na ‘Basag-salamin’ gang habang nakatakas naman ang kasapakat nito matapos na kumasa at maki-pagbarilan sa nagrespondeng mga alagad ng batas, naganap nitong Biyernes ng madaling araw sa Novaliches, lungsod ng Quezon.
Ayon kay Quezon City Police District (QCPD) director Chief Superintendent Joselito Esquivel Jr., kasalukuyan pang inaalam ang pagkakakilanlan ng napatay na suspek na nasa pagitan ng 25-30-anyos ang edad, katamtamang pangangatawan, at may taas na 5’7”.
Dakong alas-12:55 ng madaling araw nang rumesponde ang mga tauhan ng Novaliches Police Station (PS 4) sa tawag sa telepono hinggil sa presensiya ng isang riding-in-tandem na kahina-hinalang umiikot sa lugar.
Sinabi ni Esquivel na naaktuhan ng mga nagrespondeng pulis ang dalawang suspek habang binubuksan ang pintuan ng isang kulay itim na Mitsubishi Adventure (conduction sticker V1Y064) na binasag ang salamin gamit ang martilyo.
Gayunman, nang makita ang papalapit na mga operatiba, isa sa mga suspek ay bumunot ng armas at pinaputukan ang mga otoridad na nauwi sa shootout na ikinasawi nito habang mabilis namang nakatakas ang kasama nito sakay ng motorsiklong walang plaka.
Isang kalibre .38 na baril at apat na sachet ng hinihinalang shabu ang narekober ng mga pulis sa crime scene.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya at sinusuri na rin ang rekord ng CCTV sa lugar upang matukoy at maaresto ang nakatakas na kasamahan ng suspek.
- Latest