MANILA, Philippines — Itinaas sa ikalawang alarma ang alerto ng tubig sa Marikina River kaya nanawagan ang pamunuan ng Marikina City Government sa mga residente nila na nakatira malapit dito ay boluntaryo nang lumikas sa mataas at ligtas na lugar.
Ayon sa Marikina City Rescue team, dakong ala-1:22 ng hapon nang itaas ang ikalawang alarma sa Marikina River makaraang umabot sa 16 meters ang tubig sa ilog.
Sa ilalim ng ikalawang alarma, ang mga residenteng naninirahan sa tabi ng ilog, gayundin ang mga nasa mababang lugar, partikular na sa mga Brgy. Malanday, Nangka, at Tumana, ay pinapayuhang boluntaryo nang lumikas sa mas mataas na lugar.
Dakong alas-9:04 ng umaga nang itaas sa unang alarma ang alerto ng Marikina River dahil sa pagtaas ng tubig ng ilog at mabilis na agos nito.
Sa ilalim ng unang alarma, inaabisuhan ang mga residente na maging alerto at maghanda na hinggil sa posibleng paglikas kung magpapatuloy ang pagtaas ng tubig sa ilog.
Nabatid na walong flood gates na ang bukas sa nasabing ilog ngunit dahil sa pabugsu-bugsong pag-ulan ay naging mabilis pa rin ang pagtaas ng tubig na galing sa kabundukan ng Rizal.
Tiniyak naman ng mga awtoridad sa lungsod na habang umuulan ay patuloy silang nakaalerto sakaling kailanganing pwersahan nang palikasin ang mga residente, sa sandaling magpatuloy sa pagtaas ang alerto ng ilog.