MANILA, Philippines — Patay ang sinasabing ‘tulak’ ng droga matapos manlaban sa mga pulis habang inaaresto nang matiyempuhang may bitbit na baril sa Quezon City, kahapon ng madaling araw.
Ayon kay Quezon City Police District (QCPD) Director, P/Chief Supt. Joselito Esquivel Jr., inaalam pa nila ang pagkakakilanlan sa napatay na suspek, na inilarawan lamang na nasa 25 hanggang 30-anyos ang edad, nakasuot ng itim na short pants, at moreno.
Batay sa ulat ng QCPD- Talipapa Police Station (PS 3), dakong alas-2:15 ng madaling araw nang mapatay ng mga pulis ang suspek sa may Service Road sa Brgy. Unang Sigaw.
Bago ang engkwentro ay nakatanggap ng sumbong ang mga pulis mula sa isang concerned citizen na isang lalaki ang namataan nilang pagala-gala sa naturang lugar at may bitbit na baril.
Kaagad namang rumesponde ang mga pulis at nang mamataan ang suspek at lalapitan sana ito, ngunit sinalubong sila nito ng mga putok ng baril.
Napilitang gumanti ng putok ang mga pulis, na nagresulta upang tamaan ng bala sa katawan ang suspek, na isinugod pa sa Quezon City General Hospital ngunit hindi na umabot pang buhay.
Narekober mula sa suspek ang isang kalibre .45 baril na loaded ng bala at 13 sachets ng hinihinalang droga.
Sinasabing ang suspek ang siyang nakikitang nagtutulak ng ipinagbabawal na gamot sa nasabing lugar.