Free parking ng senior citizens, PWDs matatagalan pa -- Manila Dad
MANILA, Philippines — Matatagalan pa bago malibre sa initial rate parking fees ang mga senior citizens at Persons With Disability (PWDs) sa mga establisimento sa lungsod ng Maynila.
Ito’y matapos na mabinbin sa loob ng halos dalawang taon ang Draft Ordinance No.7789 na maglilibre sa mga senior at PWDs“ sa buong lungsod ng Maynila sa initial rate parking fees sa lahat ng mga establisimento, malls, hospitals, parking areas at iba pang kahalintulad na lugar at pagmultahin ang mga lalabag dito.
Batay sa dokumentong nakalap ng Pilipino Star Ngayon, September 2016 pa huling naisalang sa 1st reading ang draft ordinance at hanggang ngayon ay hindi pa naisasalang sa 2nd reading sa city council. Naisumite lamang ito sa Committee on Ways and Means at Committee on Laws subalit hindi rin umano naaksiyunan.
Nabatid na ang draft ordinance ay inihain ni Manila 4th District Councilor Wardee Quintos sa layuning mai-bigay ang pribilehiyo sa mga senior citizens at PWDs.
Paliwanag ni Quintos, karapatan ng mga senior citizens at PWDs na maibigay ang pribilehiyong ito tulad na rin ng ipinatutupad ng national government sa lahat ng mga senior citizens at PWDs sa buong bansa. Ani Quintos nais lamang niyang magkaroon ng sariling batas ang Maynila sa parking fees para sa mga senior citizens ng lungsod.
Para kay Quintos, “urgent” ang nasabing ordinansa lalo pa maraming senior citizens sa lungsod na gustong magamit ang kanilang 20% discount.
Umaasa din si Quintos na maisasalang na sa 2nd reading ang draft ordinance na matagal nang hinihintay ng mga senior citizens at PWDs ng lungsod ng Maynila.
Napag-alaman na ang Majority Floor Leader umano ang nagdedesisyon kung ano ang mga agenda na ika-calendar o didinggin sa city council.
- Latest