MANILA, Philippines — Iniurong kahapon ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang petsa para sa pagbabawal sa mga provincial buses na dumaan sa EDSA tuwing rush hours.
Ayon kay MMDA general manager Jojo Garcia, nagkasundo ang ahensiya at mga operator na simulan na lamang sa unang araw ng buwan ng Agosto ang implementasyon nito na dapat sana ay sa Hulyo 15 na ipapatupad.
Sinabi ni Garcia, bawal lamang ang mga provincial bus sa EDSA tuwing rush hours, mula alas-7:00 ng umaga hanggang alas-10:00 ng umaga at alas-6:00 hanggang alas-9:00 ng gabi.
Ang mga manggagaling na bus mula sa Norte ay hanggang EDSA-Cubao, Quezon City lamang na maaari silang magsakay at magbaba ng kanilang pasahero.
Habang ang mga manggagaling Southern o Katimugang Luzon ay hanggang sa area lamang ng EDSA-Pasay City.
Sabi ni Garcia, mangangahulugan aniya ito na mas mapapaluwag na ang daloy ng trapiko sa EDSA, mula Ortigas area hanggang Magallanes dahil mga city bu-ses at pribadong behikulo lamang ang papayagang bumagtas dito.
Gayunman, exempted naman sa number coding ang mga provincial buses na dadaan sa EDSA kapag tapos na ang rush hour.
Nabatid pa sa MMDA na magkakaroon muna ng dry run simula Hulyo 23 para sanayin ang mga driver ng provincial buses sa bagong patakaran.