Trader itinumba sa loob ng palengke
MANILA, Philippines — Patay ang isang negosyante nang barilin habang nagbabantay ng kaniyang paninda sa loob ng Asuncion Market sa Asuncion St., Tondo, Maynila, kamakalawa.
Dead on arrival sa Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center (GABMMC) ang biktimang si Jerald Tungala Flores, 35, residente ng Asuncion St.,Tondo bunsod ng dalawang tama ng bala ng kalibre .45 sa dibdib.
Itinuturong suspek ang isang lalaking may alyas na Nene, nakasuot ng bull cap, itim na t-shirt at shortpants.
Sa ulat ni PO3 Joel C. Ascano ng Manila Police District-Homicide Section, naganap ang pamamaril alas- 2:40 ng madaling araw sa loob ng kaniyang tindahan sa Asuncion market.
Habang nasa loob umano ng tindahan ang biktima nang biglang lumutang ang suspek at mabilisang isinagawa ang pamamaril.
Dalawang putok ang umalingawngaw at bumulagta na ang biktima habang ang suspek ay naglakad lamang papatakas na di na napansin kung saan sumuot.
- Latest