MANILA, Philippines — Timbog ang magkasintahan na nagsu-supplay ng iba’t ibang uri ng ‘party drugs’ sa mga ‘party-goers’ sa ikinasang operasyon ng Northern Police District (NPD), Huwebes ng gabi sa lungsod ng Maynila.
Kinilala ni NPD Director, P/Chief Supt. Gregorio Lim ang mga nadakip na sina Kim Carlo Gonzales, 28, at Julia Celine Santos, 25, kapwa naninirahan sa Ibarra Street, Brgy. 513 Blumentritt, Sampaloc, Maynila.
Nakumpiska sa mga suspek ang 800 pirasong ecstacy pills na nakalagay sa siyam na plastic bag at nagkakahalaga ng P1.2 milyon; 1,450 ml. na liquid ecstacy na may halaga namang P290,000; at nasa 18.5 gramo ng cocaine na may halagang P77,700.
Sa ulat ng NPD, nagsagawa ng operasyon ang mga tauhan ng District Drug Enforcement Unit at Special Operations Unit dakong alas-10 ng gabi sa bahay sa Maynila ng mga suspek makaraang doon papuntahin ang mga operatiba base sa kanilang pakikipagtransaksyon sa telepono.
Dito natimbog ang magkasintahan nang makipagtransaksyon sa kanilang asset na nagtangkang bumili ng ecstacy.
Ayon kay Lim, halos apat na buwan nang nag-ooperate ang dalawa na palagiang tumatambay sa mga ‘party places’ upang makakuha ng parokyano.
Kasalukuyang inaalam ng pulisya kung saan nanggagaling ang isinusuplay na iligal na droga ng magkasintahan na nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.