MANILA, Philippines — Hindi na nakapalag ang tatlong kawani ng Bureau of Internal Revenue (BIR) nang sila ay dakipin ng mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI)-Special Task Force sa isang entrapment operation kaugnay sa pag-aalok ng mas murang tax liability sa isang Chinese restaurant kapalit ng hinihi-nging suhol sa Greenhills, San Juan City, nitong nakalipas na Huwebes.
Sinampahan na ng kasong paglabag sa Republic Act 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act, RA 6713 o Code of Conduct and Ethical Standars for Public Officials and Employees at Article 210 o Bribery ng Revised Penal Code sa Office of the Ombudsman ang tatlong ganid sa pera na kinilala ni NBI Deputy Director at Spokeperson Atty. Ferdinand Lavin, na sina Arturo Buniol, Gary Atanacio at Edgardo Javier, pawang special investigators ng BIR-Regional Investigation Division
Nag-ugat ang pag-aresto sa inihaing reklamo ni Commissioner Greco Belgica ng Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) kaugnay sa natanggap niyang impormasyon mula sa empleyado ng Chinese restaurant.
Nabatid na nagsagawa ng surveillance at investigation ang tatlong suspek sa restaurant na may isang taon pa lamang nago-operate at sinabihan ang may-ari na nasa P1.2 milyon ang kanilang tax liability.
Inalok umano ang restaurant na magbigay na lamang ng kalahati o P600,000 para mabigyan ng accountant na gagawa ng papeles.
Agad na nagpanggap si Belgica na isa siyang lady accountant gamit ang panga-lang Kath Legaspi, sa pamamagitan ng text messages at sinabihan ang restaurant na kailangang bayaran ng P600,000 at sa palitan ng mensahe ay nakumpirma ni Belgica na totoo ang sumbong ng impormante.
Natuklasan din na nagpadagdag mula sa P600,000 na ginawang P750,000 o pasobra para ibigay umano sa “loob”.
Nang ikasa ang entrapment at nakipagkita sa isang lugar sa Greenhills, San Juan ay dumating ang mga suspek at matapos maiabot ang marked money ay dinakip na sila ng NBI.