Murder vs 2 preso na gumulpi kay Tisoy
Isasampa ng PNP
MANILA, Philippines — Sasampahan na ng kasong murder ang dalawang inmates na natukoy na responsable sa pambubugbog na ikinamatay ng nahuling ‘tambay’ na si Genesis Argoncillo, alyas Tisoy sa kustodya ng pulisya sa Novaliches, Quezon City.
Sa press briefing sa Camp Karingal, kinilala ni Quezon City Police District (QCPD) Director P/Chief Supt. Joselito Esquivel Jr., ang mga nasakoteng suspect na sina Justin Mercado at Richard Bautista, kapwa kasapi sa ‘Sputnik gang.
Ayon kay Esquivel, base sa imbestigasyon, si Tisoy ay namatay matapos bugbugin nina Mercado at Bautista base sa testimonya ng kanilang tatlong testigo na kasamahan rin nito sa detention cell ng QCPD Station 4.
“There seems to be parang binugbog iyung si Genesis ng suspect as attested by our witnesses,” pahayag ni Esquivel na taliwas naman sa unang pahayag ng mga opisyal na ‘suffocation’ ang ikinamatay ni Tisoy sanhi ng siksikang selda matapos itong dumaing ng paninikip ng dibdib kung saan idineklara itong dead-on-arrival sa pagamutan.
Ayon naman sa isa pang inmate na si Nestor Millete nakita niyang binubugbog nina Mercado at Bautista si Tisoy kasama ang iba pang mga preso.
Una nang sinabi ni Supt . Carlito Grijaldo, Commander ng QCPD Station 4 na ‘self-inflicted’ ang ikinasawi ni Tisoy dahilan ‘mentally disturbed’ umano ito at palaging nagwawala sa loob ng selda.
Si Tisoy ay nasakote sa Brgy. Sauyo, Novaliches, Quezon City noong nakalipas na Biyernes (Hunyo 15) na ayon sa pulisya ay dahilang nasangkot umano ito sa alarm and scandal. Iginiit naman ng mga nakasaksi na hinuli si Tisoy kasama ang iba pang mga tambay dahil wala itong damit pang-itaas na naaktuhan ng mga pulis habang nagpapa-load sa isang tindahan sa lugar.
Kamakalawa ay sinibak na sa puwesto ang Station Commander at apat pang pulis matapos nga ang kontrobersyal na pag-aresto at pagkamatay ni Tisoy.
Nabatid na base sa death certificate ni Tisoy ay namatay dahilan sa tinamong grabeng pambubugbog sa kaniyang katawan kung saan kahapon ay sinabi ni Esquivel na natukoy na ang dalawang kasamahan nitong inmates na responsable sa insidente. Sina Justin Mercado at Richard Bautista ay kakasuhan ng murder dahilan sa sabwatang pambubugbog kay Tisoy na ikinamatay nito.
- Latest