Random inspection sa schools, pag-isipan muna

QC Vice Mayor Joy Belmonte

Giit ni Joy B.

MANILA, Philippines — Pinayuhan ni Quezon City Vice Mayor Joy Belmonte ang pulisya na pag-aralan munang mabuti ang panukala nitong pag-iins­peksyon ng mga bag at locker ng mga estudyante sa mga pa­aralan.

Ayon kay Belmonte, mas mahalagang pangalagaan ang privacy ng mga mag-aaral sa kahit anumang ope­rasyon ng awtoridad laban sa problema ng droga sa mga paaralan.

“If NCRPO director Guillermo  Eleazar insists on doing that, there really has to be very, very clear guidelines and protocols in place to make sure, really, that the privacy of the child is not violated,” pahayag ni Belmonte.

Una nang ipinanukala ni Eleazar ang pagsasagawa ng naturang surprise inspection upang aniya’y mailayo ang mga kabataan sa impluwensiya ng droga at maiwasang maging drug peddler  ng mga sindikato.

Bilang chairperson ng Quezon City Anti-Drug Abuse Advisory Council (QCADAAC), sinabi ni Belmonte na naiintindihan naman niya ang layunin ni Eleazar.

Anya, noong Agosto 2017, isang grade 6 pupil sa San Antonio Elementary School sa Brgy, Katipunan ang nahulihan ng kanyang guro ng 22 sachets ng marijuana sa kanyang bag at inamin ng mag-aaral na pinabebenta lang sa kanya ito ng tatlong lalaki na kinalauna’y inaresto ng pulisya.

Ayon kay Belmonte, mahalaga ang pagrespeto sa privacy ng mga kabataan lalo’t may mga personal silang mga gamit na dina-dala sa paaralan.

Show comments