MANILA, Philippines — Isang AWOL na pulis, na kasama sa listahan ni Pangulong Rodrigo Duterte na kabilang sa High Value Target (HVT level III) personnel na sangkot umano sa droga ang nadakip ng pinagsanib na pwersa ng Regional Special Operation Unit, National Capital Regional Police Office (RSOU, NCRPO) at Guiguinto Police Station, kamakalawa ng hapon.
Kinilala ang akusadong si SPO2 Ferdinand Cajipe, na AWOL mula sa Police Security Protection Group (PSPG).
Ayon sa tanggapan ni NCRPO director, Chief Supt. Guillermo Eleazar, ala-1:00 ng hapon nang madakip si Cajipe nang pinagsanib na pwersa ng RSOU, NCRPO at lokal na pulisya sa loob ng Waltermart, Brgy. Poblacion, Guiguinto, Bulacan.
Nadakip si Cajipe sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ng Manila Regional Trial Court (RTC), Branch 26 bunsod ng kasong robbery extortion na isinampa ni Myrna Germedia, noong Enero 18, 2002.
Matapos umanong arestuhin nina Cajipe at ng 3 pang pulis na nakatalaga sa Manila Police District (MPD) Station 11 si Germedia at taniman umano ng shabu ay kinuha ang kanyang pera na nagkakahalaga ng P100,000.00.
Kung saan nahatulan si Cajipe ng naturang sala noong Marso 19, 2007 at umapila ito sa Court of Appeal (CA).
Subalit noong Pebrero 8, 2018 ay ibinasura ang petition ni Cajipe.
Base pa sa record ng pulisya, si Cajipe ay may bank account na P7.22 million na naka- freezed sa Anti-Money Laundering Council (AMLAC) dahil konektado ito kay Peter Co, isang convicted drug lord.
Kung saan ang pangalan ni Cajipe ay kabilang sa listahan ni Pangulong Duterte bilang nasa HVT.