MANILA, Philippines — Mga residente na mismo sa lungsod ng Maynila ang kumakalampag kay Manila Mayor Joseph Estrada na asikasuhin at aksiyunan ang mga tambak na basura sa iba’t ibang kalsada sa lungsod.
Reklamo ng publiko, tila napapabayaan na ni Mayor Erap at ng kanyang mga tauhan sa Department of Public Safety (DPS) ang kalinisan ng Maynila dahil sa gabundok ng mga basura ang nakikita kung saan-saan.
Namamaho na umano ang lungsod ng Maynila na pinangangambahan ding posibleng pagmulan ng mga sakit.
Imposible umanong hindi nakikita ng mayor at kanyang mga tauhan ang problema sa basura dahil inilalabas na mismo ng mga residente ang basura nila sa kalye na ilang araw nang hindi hinahakot kaysa naman daw sa loob mismo ng bahay nila bumaho ito ng tuluyan.
Ilan sa mga lugar ng may mga gabundok na basura ay Blumentritt, Legarda , Quiapo, Avenida at Road 10.
Sinabi naman ni Estrada na inatasan na niya si DPS chief Che Boromeo na suyurin ang lahat ng mga kalsada at wag mag-iiwan ng mga basurang nakatiwangwang sa mga nabanggit na lugar.
Dagdag pa ni Estrada, maglalaan siya ng mga karagdagang tauhan ng DPS upang maagad ang mga ba—sura na itinatapon ng walang disiplinang mga residente.
Madalas ngayon narereklamo ang Maynila dahil sa pagiging marumi ng lungsod.
Mistulang hindi umano naibalik ng kasalukuyang mga nakaupo dito ang ganda ng Maynila, kundi mukhang tumindi ang dumi sa kapaligiran nito.