MANILA, Philippines — Sugatan ang 20 katao matapos magkarambola ang tatlong sasakyan dahil umano sa karerahan ng dalawang pampasaherong bus, na nagdulot nang napakabigat na daloy ng trapiko sa mga motorista kahapon ng umaga sa EDSA-Magallanes, Makati City.
Nilalapatan ng lunas ngayon sa Ospital ng Makati at Pasay City General Hospital (PCGH) ang mga sugatang biktima na pawang pasahero ng naturang mga bus.
Naganap ang insidente alas-6:05 kahapon ng umaga sa Southbound lane ng EDSA-Magallanes, Brgy. San Lorenzo ng naturang lungsod.
Nabatid na habang binabagtas ng Joyselle Bus Co, (TXD-328), na may biyaheng Baclaran-Fairview at minamaneho ni Fruto Aba-nes Avila ang naturang lugar nang bigla itong nawalan ng preno dahilan upang masalpok nito ang isang aircon Valenzuela Transport Service Cooperative Bus, na biyaheng Alabang at minamaneho ni Edwin Jose Alfaro hanggang sa nasalpok din nito ang isang Mitsubishi Mirage (ACM-4149) na minamaneho naman ni Arnante Aguilar.
Nagdulot ng mabigat na daloy ng trapiko ang nasa-bing aksidente sa kahabaan ng EDSA.
Napag-alaman, na nagkakarehan umano ang dalawang bus, na nagdulot nang aksidente habang patuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon sa pangyayari.