Tiwaling LPG dealers, refillers binalaan ni Joy B
MANILA, Philippines — Binalaan ni Quezon City Vice Mayor Joy Belmonte ang mga fly-by-night na LPG dealers, refillers sa lungsod na pagmumultahin o kaya ay kakanselahin ang business permit oras na mapatunayang may mga pang-aabuso at paglabag.
Sinabi ito ni Belmonte nang pangunahan ang pag apruba ng QC Council sa City Ordinance No. SP-2677, S-2018-QC LPG Safety Ordinance na iniakda ni Councilor Donato Matias, layong pangalagaan at protektahan ang mga consumers sa lungsod laban sa mga mapagsamantalang negosyante.
Sa ilalim ng napagtibay na ordinansa, magmumulta ng P5,000 at kanselado ang business permits ng sinumang mahuhuling mapagsamantalang LPG wholesalers, retailers, marketers, at dealers na may operasyon sa QC.
“We at the City Council see the urgent need to enact an ordinance that would curb, if not totally eliminate, the nefa-rious practices of LPG sellers to protect local consumers from all forms of danger and fraud,” pahayag ni Belmonte.
Anya, sa tala ng Bureau of Fire Protection (BFP) may 2,522 insidente ng sunog ang naganap mula Enero hanggang Hunyo, 2017, 50 dito ay dahil sa depektibong LPG.
Sa ilalim ng ordinansa, ang mga refillers ay kailangan na ngayong kumuha ng Special Use Permit sa Quezon City Council para pangalagaan ang mamamayan.
Ang mga LPG wholesalers and retailers ay kailangang kumuha ng Standard Compliance Certificate mula sa Department of Energy (DOE) upang matiyak na may kaukulang clearances sa pagbebenta ng LPG.
Para sa kaalaman ng publiko, ang mga licensed wholesalers at retailers ay dapat na maglagay ng safety at informational signs sa kanilang tindahan kasama na ang updated price display board ng bawat uri ng LPG at cylinder, No Smoking signs, at Special Use Permit mula sa City Council at Business Permit mula sa Business Permit and Licensing Office sa QC hall.
- Latest