MANILA, Philippines — Nilooban ng mga hindi pa nakikilalang kawatan ang bahay ng isang negosyanteng Taiwanese kung saan iginapos ng mga suspects ang una kasama ang kanyang binatil-yong anak, sa Valenzuela City.
Tinatayang aabot sa P1.3 milyong halaga ng pera, alahas at gadgets ang natangay ng mga suspects sa mga biktimang sina Hsieh Te Yuan, 65, balo, at anak na si Wei Siang Chou, 15-anyos, kapwa naninirahan sa Brgy. Canumay West, ng naturang lungsod.
Sa naantalang ulat ng Valenzuela City Police sa Northern Police District (NPD), alas-12 ng madaling araw nang pasukin ng hindi bababa sa apat na lalaki ang bahay ng mag-ama. Nagising naman ang mga biktima ngunit agad silang tinutukan ng baril ng mga salarin at iginapos sa loob ng master’s bedroom.
Dito malayang nahalughog ng mga magnanakaw ang buong bahay at tinangay ang nasa P650,000 cash, 2 pirasong relong Rolex na aabot sa P530,000 ang halaga, dalawang cellular phone (P43,000), isang Ipad (P16,000) at dalawang laptop computer (P60,000).
Nagtangka lamang na kalagin ng mga biktima ang pagkakatali sa kanila nang mamatay ang tunog ng alarm ng kanilang kotse na napatunog ng mga salarin. Alas-3:30 na ng hapon nang iulat ng mga biktima ang insidente sa pulisya.