Live-in-partner ni Parojinog, timbog
MANILA, Philippines — Nasakote ng mga operatiba ng pulisya ang live-in partner ni Ozamiz City Councilor Ricardo “Ardot” Parojinog sa isinagawang magkasanib na operasyon sa lungsod ng Parañaque kamakalawa, ayon sa mga opisyal kahapon.
Sa press briefing sa Camp Crame, iprinisinta nina PNP Chief P/Director General Oscar Albayalde, NCRPO Director P/Chief Supt. Guillermo Lorenzo Eleazar at iba pang mga opisyal ang nasakoteng suspect.
Kinilala ni Albayalde ang suspect na si Mena Luansing, 34 na nasakote sa bisa ng warrant-of-arrest na isinagawa ng Parañaque City Police, PNP-Intelligence Group (PNP-IG) at National Intelligence Coordinating Agency (NICA).
Si Luansing ay nadakip ng mga operatiba sa Brgy. San Isidro sa lungsod ng Parañaque nitong linggo ng umaga matapos namang makatanggap ng impormas-yon ang mga awtoridad sa presensya ng suspect sa lugar. Samantalang hinuli rin sa operasyon si Jonas Cablitas, umano’y coddler ni Luansing.
Nabatid sa mga opisyal na si Luansing ay dinakip kaugnay ng kasong illegal possession of firearms and explosives at paglabag sa Section 3 ng Comprehensive Dangerous Drugs Act na siya ring kasong isinampa laban sa live-in partner nitong si Ardot Parojinog. Wala namang inirekomendang piyansa ang korte para sa kanilang kalayaan.
Una nang naaresto ng mga awtoridad si Parojinog sa Taiwan nang pumasok ito sa nasabing bansa gamit ang mga illegal na dokumento.
- Latest