Nagsu-supply sa ilang olitico at showbiz personality
MANILA, Philippines — Nadakip ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang dalawang lalaking hinihinalang drug dealers na nagsusuplay umano ng ilegal na droga sa ilang celebrities at mga pulitiko sa isinagawang buy bust operation sa Muntinlupa City, na nagresulta rin sa pagkakumpiska ng mahigit P1 milyong halaga ng iba’t ibang uri ng illegal drugs.
Kinilala ni PDEA Director General Aaron Aquino ang mga nadakip na suspek na sina Rajiv Gidwani, at isang Jeremiah Carillo.
Sinabi ni Aquino na may dalawang buwan nilang minanmanan si Gidwani bago nila isinagawa ang buy-bust dakong alas-6:45 ng gabi.
Sa surveillance ay ilang celebrities, model, pulitiko at mga anak ng pulitiko, ang namataan ng mga tauhan ng PDEA-Special Enforcement Service (SES) na pumapasok sa tahanan ni Gidwani, upang bumili ng ilegal na droga habang ang iba ay doon na umano mismo bumabatak.
May mga nakita rin umanong mga numero ng mga sikat na artista sa cellphone ni Gidwani, na hinihinalang kliyente nito.
Sa operasyon ay nakakumpiska naman ang mga awtoridad ng may 163 tableta at dalawang bote ng liquid form ng ecstasy; 13 transpa-rent plastic sachet ng kush, na hybrid marijuana variety at may timbang na 20.5 gramo; isang silver sachet ng ha-shish na marijuana resin na may timbang na 25 gramo; at mga drug paraphernalia.
Nabatid na inaresto rin naman ng mga awtoridad ang ama ni Gidwani na si Kishinchand, 63, matapos na magtungo sa tanggapan ng PDEA at tangkain silang suhulan ng P1 milyon at mga diamonds kapalit nang pagpapalaya at pag-uurong ng kaso sa kanyang anak.