2 preso tigok sa heat stroke

MANILA, Philippines — Magkasunod na namatay ang dalawang inmate ng Manila Police District-Station 3 na hinihinalang kapwa maysakit bago pa man naaresto at makulong sa mga maliliit na kaso sa Sta. Cruz, Maynila, nitong Linggo at kahapon.

Nakilala ang dalawa na  sina Charles Pismot Dionisio, 40, Oroquieta St., Sta. Cruz, Maynila na nahaharap lamang sa kasong drinking in public place o paglabag sa Section 5555 Revised Ordinance na dinakip noong nakalipas na Mayo 23 at Daniel Leonard, 43, na nahaharap sa kasong maliscious mischief at alarm and scandal.

Sa ulat ni Supt. Julius Caesar Domingo, hepe ng MPD-Station 3, dakong alas-6:35 ng umaga kahapon nang mahirapang huminga si Dionisio habang nasa loob ng selda kaya dinala siya sa   pagamutan subalit habang isinasalba ng mga doktor ay bumigay na ito dakong alas-7:10 ng umaga.

Ayon kay SPO3 Donald Pa­naligan ng MPD-Homicide Section, heat stroke ang posibleng sanhi ng kamatayan ni Dionisio.

Bago si Dionisio ay nakaratay na si Leonard sa nasa-bing pagamutan na naunang naitakbo doon noong Linggo ng gabi, dakong alas-6:18 dahil sa matinding pagsusuka at nahihirapan ding huminga.

Nagtagal pa ng halos kalahating araw si Leonard subalit binawian na rin ng buhay ilang minuto matapos mamatay si  Dionisio sa nasabing pagamutan.

Show comments