MANILA, Philippines — Higit sa P5 milyong halaga ng alahas at pera ang natangay ng mga miyembro ng ‘Dugo-Dugo Gang’ makaraang ibigay ito ng kasambahay ng isang negosyante na umano’y nasangkot sa isang aksidente, kamakalawa ng gabi sa Caloocan City.
Ipinaaresto rin ng biktimang si Miguel Antonio Almeda, 33, ng Teachers Village, Caloocan City ang kanyang kasambahay na si Danvic Ordenacion, 23, tubong Hamtic, Antique.
Sa imbestigasyon ng Caloocan City Police, isinalaysay ni Ordenacion na alas-3 ng Miyerkules ng hapon nang makatanggap siya ng tawag sa kanilang landline na telepono buhat sa isang babae na nagsabing naaksidente ang kanyang among si Tina Almeda at inutusan siya na kunin ang mga alahas at pera ng amo na nakatago sa drawer sa kuwarto ng kanyang mga amo upang magamit na pampagamot.
Kinuha naman ni Ordenacion ang pera, tatlong gintong bracelets, 3 Rolex na relo, at dalawang gintong hikaw na nagkakalahaga ng humigit-kumulang P5 milyon at nakipagkita sa caller sa may EDSA, Brgy. 83, Caloocan dakong alas-10 ng gabi kung saan ibinigay umano niya ang mga ito sa mga salarin.
Ngunit hindi umano kasya ang naturang halaga at alahas para sa pampagamot sa ospital kaya muli siyang inutusan na limasin lahat ng alahas sa kaha-de-yero ng kanyang amo. Muli namang sinunod ito ni Ordenacion at ibinigay sa isa pang babae sa may Samson Road, sa naturang lungsod.
Huli na nang mabatid ni Ordenacion na ligtas ang kanyang mga amo nang maabutan niya sa kanilang bahay.