Chairman kinasuhan sa drug den sa barangay
MANILA, Philippines — Pormal nang kinasuhan kahapon ni Philippine Drug Enforcerment Agency (PDEA) si Brgy. Captain Alvin Mañalac ng Brgy. Tinajeros, Malabon City sa Office of the Ombudsman na may kinalaman sa pagkakadiskubre ng isang drug den sa kanyang barangay noong nagdaang buwan.
“Failure of Mr. Mañalac, as barangay chairman to identify pushers and users in his barangay prior to the search warrant implementation constitutes an act of being a protector or coddler,” ayon kay PDEA regional director for National Capital Region (NCR) Ismael Fajardo.
Nahaharap si Mañalac sa paglabag sa Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Acts of 2002 gayundin sa paglabag sa Article 171 (falsification by public officer, employee or notary) ng Revised Penal Code; gross negligence at dereliction of duty sa ilalim ng Section 60 ng Republic Act 7160 (Local Government Code of 1991), gross neglect of duty, grave misconduct at conduct prejudicial to the best interest of the service.
Lumabag din umano si Mañalac sa Dangerous Drugs Board (DDB) Regulation No. 2 Series of 2004 nang maideklara na ang kanyang opisina sa Barangay Tinajeros bilang isang “Drug-Free Workplace” at pagkabigo nitong mag-submit ng documentary requirements para sa aplikasyon ng isang drug-free status.
Kaugnay nito, sinabi ni DILG undersecretary for barangay affairs Martin Diño na bubusisiin nila at kakasuhan ang mga barangay officials na mabibigong kumilala ng mga drug users sa kanilang komunidad sa pamamagitan ng talaan ng Barangay Anti-Drug Abuse Council (BADAC), o watchlist ng mga residenteng nasasangkot sa illegal drugs.
- Latest