Top 2 most wanted sa Valenzuela, timbog
MANILA, Philippines — Nalambat ng mga tauhan ng Valenzuela City Police ang top 2 most wanted sa lungsod na sangkot sa panggagahasa sa anak ng kanyang kinakasama may siyam na taon ang nakalilipas.
Ala-1:35 kamakalawa ng hapon nang madakip ng mga tauhan ng Valenzuela City Police-Intelligence Branch sa pangunguna ni P/Chief Insp. Jovencio Urbien, ang suspek na si Alexander Deuda Sr., 58, at naninirahan sa Northville 2, Brgy. Bignay, ng naturang lungsod.
Nagbabantay pa ng kanilang tindahan si Deuda nang abutan ng mga pulis at hindi na makapalag nang ihain sa kanya ang warrant of arrest sa kasong 10 bilang ng panggagahasa na nakasampa sa Valenzuela City Regional Trial Court Branch 172.
Sa rekord ng pulisya, inireklamo ang suspek ng anak na babae ng kanyang kinakasama na itinago sa pa-ngalang “Charm” makaraang una siyang gahasain noong Hulyo 2009 noong siya ay 13-anyos pa lamang sa loob ng kanilang bahay sa Brgy. Bignay. Naging paulit-ulit ito hanggang sa tuluyang magsampa ng reklamo ang biktima nang sumapit na siya sa edad na 16-anyos.
Sinabi ni P/Supt. Freddie Colico, Assistant Chief of Police for Administration, nag-umpisang magtago ang suspek noong 2013 nang unang ihain ang warrant of arrest laban sa kanya. Natukoy naman ng mga pulis ang pagbabalik sa kaniyang bahay ng suspek kaya agad na nagsagawa ng operasyon.
Itinanggi naman ng suspek ang mga paratang sa kanya.
- Latest