MANILA, Philippines — Dinudumog ng maraming kandidato sa Barangay at Sangguniang Kabataan (SK) ang inilunsad ng ‘drug test challence’ ng Philippine National Police (PNP) sa Quezon City.
Nabatid na simula noong Lunes hanggang kahapon ay patuloy na dumadagsa ang mga kandidato sa halalang pambarangay sa Police Station 7 ng Quezon City Police District (QCPD) para tanggapin ang hamon na drug test
Unang sumalang sa drug test ang mga kandidatong Chairman, sumunod ang mga kagawad at pang-huli ang mga miyembro ng SK mula sa siyam na barangay na nasa hurisdiksyon ng QCPD station 7.
Sinabi ni P/Supt. Benjie Louise Tremor, Commander ng Cubao Station 7, tugon nila ito sa panawagan ni PNP Chief Police Director General Oscar Albayalde na boluntaryong magpasailalim sa drug test ang mga kandidato upang linisin ang kanilang pangalan at ipakita sa publiko na hindi sila gumagamit ng ilegal na droga.
Ayon kay Tremor, ambag din ito ng QCPD sa komunidad upang tiyaking wala nang narco-politicians o manunungkulan sa bayan na adik o sangkot sa illegal drugs sa anumang kaparaanan.
Maging ang isang Kagawad na si Noemi Agcaoili na napabilang sa isinapublikong barangay narco-list ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ay kasama sa nagpasailalim sa drug test.
Giit ni Agcaoili na tumatakbo ulit na kagawad sa Barangay Bagong Lipunan ng Crame, nais niyang linisin ang kanyang pangalan at patunayan sa publiko na hindi siya protektor at gumagamit ng ilegal na droga sa pamamagitan ng pagsailalim sa drug testing ng PNP.