MANILA, Philippines — Binubusisi na ngayon ng Muntinlupa City Police ang CCTV footage, na posibleng magbigay linaw sa naganap na pagdukot sa apat na kalalakihan kabilang ang isang 16-anyos na binatilyo, na hinihinalang sangkot umano sa ibat-ibang krimen hanggang sa natagpuan ang bangkay ng tatlo sa mga ito sa magkahiwalay na lugar sa mga lalawigan.
Ayon sa hepe ng Station Investigation and Detective Management Branch (SDMB), Muntinlupa City Police na si Chief Inspector Gideon Inis Jr., nakaburol ngayon sa kani-kanilang mga bahay ang mga biktimang sina Albert Abalos; Jayson Santos at Joshua Anzores.
Samantala, ang 16-anyos na si Chistian Rubiano ay pinaghahanap pa ng mga kaanak, na umaasang buhay pa ito.
Base sa kuha ng CCTV noong Abril 23 ng taong kasalukuyan ay dinukot umano ang mga biktima sa Brgy. Bayanan, Muntinlupa City ng armadong kalalakihan ‘sakay ng isang kulay puting L300 FB van (NUV-617) .
Pagkaraan ng ilang araw ay natagpuan ang bangkay ni Abalos sa San Jose City, Nueva Ecija habang si Santos naman ay sa Apalit, Pampanga at si Anzores ay sa Lingayen, Pangasinan, na halos hindi makilala ang mukha ng mga ito, na nakabalot ng packaging tape, nakatali ang mga kamay at paa at nakalagay ang mga placards na nakasulat ang ‘carnapper/drug pusher-wag tularan’.
Sa isinagawang background check ng mga pulis, nabatid na sina Santos; Anzores at Abalos may mga kasong carnaping at droga.
Sabi ni Chief Inspector Inis, nang berepikahin nila ang plaka ng L300 FB ng sasakyang ginamit sa pagdukot sa mga biktima, napag-alaman na plaka ito mula sa isang trailer truck.
Sa ngayon ay pinag-aaralan na aniya nila ang kuha ng CCTV na posibleng magbigay linaw sa kaso at pagkakakilanlan ng mga suspect.
Hiling naman ng pamilya ng biktima, na makamit nila ang hustiya sa naganap na karumal dumal na pagpatay sa mga biktima.