2 airport police huli sa kotong
MANILA, Philippines — Dalawang miyembro ng airport police ang inaresto ng pinagsanib na elemento ng Philippine National Police-Counter Intelligence Task Force (CITF) at PNP-Intelligence Group (PNP-IG) matapos na ireklamo ng pangongotong ng grupo ng mga driver na pumi-pick up ng mga pasahero sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 2 sa Pasay City, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ang mga nasa-koteng suspect na sina Airport Police 1 (APO1) Pabloc Atayde Jr., at APO1 Danilo Levite Jr.
Ayon kay Chief Inspector Jewel Nicanor, spokesman ng PNP-CITF, dakong alas-9:30 ng gabi ng masakote ang dalawa habang tumatanggap ng marked money sa poseur driver ng CITF.
Hindi na nakapalag ang dalawa matapos na mahuli sa akto ng mga nakaposteng operatiba ng PNP-CITF at Intelligence Group.
Bago ang operasyon ay isinailalim sa masusing surveillance operations ang mga suspek matapos na makatanggap ng reklamo ang PNP-CITF hinggil sa pangongotong o panghihi- ngi ng lagay ng dalawang airport police sa mga taxi drivers na nami-mickup ng mga pasahero sa NAIA terminal 2.
Sinabi ni Nicanor na sinampahan na ng kasong robbery extortion ang mga nasakoteng airport personnels na ini-inquest sa tanggapan ni Pasay City Assistant Prosecutor Rina Alcantara ang mga suspect.
Isinailalim na sa kustodya ng PNP-CITF ang mga nasakoteng kotongerong airport police kaugnay ng kasong kinakaharap ng mga ito.
Samantala, sinabi naman ni MIAA general manager Ed Monreal, ang ginawang paghuli sa dalawang Airport Police Officers na sina Levite Jr. at Atayde, ay indikasyon ng gobyerno na linisin sa katiwalian ang mga umaabusong mga kawani ng pamahalaan.
- Latest