Ngayong Labor Day
MANILA, Philippines — No permit , no rally policy!
Ito ang ipatutupad ng Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) kaugnay ng gaganaping malawakang kilos protesta habang nasa 10,000 namang mga pulis ang ipakakalat sa Metro Manila sa paggunita sa Araw ng Paggawa ngayon (Mayo 1).
Sinabi ni PNP Chief P/Director General Oscar Albayalde, ipinag-utos na niya ang ‘maximum tolerance’ ng anti-riot policemen laban sa hanay ng mga magsisipagprotesta.
Kasabay nito, isasailalim naman sa heightened alert status ang kapulisan at depende na sa mga Regional at Provincial Directors kung itataas ito sa ‘full alert status’ depende sa sitwasyon ng seguridad sa kanilang mga nasasakupan, ayon pa sa PNP Chief.
Sa pahayag ng Kilusang Mayo Uno (KMU) tinatayang nasa 15,000 mga manggagawa ang lalahok sa idaraos nilang kilos protesta na ikinasa sa iba’t ibang bahagi ng Metro Manila na masusi namang pinatututukan ni Albayalde. Ayon kay Albayalde, hindi nila minamaliit ang KMU pero inaasahan nilang aabot sa 3,000 hanggang 5,000 militanteng grupo at mga manggagawa ang magsasagawa ng kilos protesta.
Sa panig naman ni Armed Forces of the Philippines-Joint Task Force (AFP-JTF) Natio-nal Capital Region Command Brig. Gen. Alan Arrojado, nakahanda na rin ang ipatutupad nilang seguridad katuwang ang PNP sa Labor Day.
Ayon kay Arrojado, nasa isang platoon o 30 sundalo mula sa 48th Infantry Batta-lion (IB), isang platoon mula sa 3rd Joint Force Company at 2 teams naman ng Explosive Ordnance Disposal (EOD) K-9 team, Emergency Medical Reconnaissance Company ang tutulong sa PNP para mangalaga ng seguridad sa Metro Manila. Sa ngayon ay wala naman umanong seryosong banta na nakikita ang security forces sa Labor Day protest subalit patuloy ang kanilang intelligence monitoring sa mga manggugulo at mga hakot na raliyista mula sa labas ng Metro Manila na posibleng manabotahe sa okasyon.
“No threat monitored so far, but we continue to monitor the situation, we are prepared for any eventuality”, ani Arrojado.