MANILA, Philippines — Muling pinaalalahanan ni Manila Mayor Joseph Estrada ang mga barangay at police officials na nagbibigay proteksiyon sa mga illegal terminal at illegal parking sa lungsod.
Nagpaalaala rin ang alkalde sa lahat ng traffic enforcers na magmando ng maayos sa trapiko sa lungsod at maging magalang sa pakikitungo sa mga pasaway na motorista, at iwasang gumawa ng katiwalian.
“Wag na nyo akong pilitin na gawin ang ginawa kong pagsibak sa mga korap na traffic enforcers. Lahat ng traffic enforcers at MTPB officers na nagbibigay proteksyon sa mga illegal terminal at illegal parking ay pananagutin ko,” ani Estrada.
Makabubuting alisin ang mga illegal terminal at illegal parking upang lumuwag ang trapiko sa lungsod.
Dagdag pa ni Estrada, tatanggalin niya ang mga tumatanggap ng suhol sa mga operator ng illegal terminal o nagnenegosyo ng illegal parking.
Ayon kay Erap, nakausap na niya ang mga pinuno ng transport groups tulad ng Federation of Jeepney Operators and Drivers Association (Fejodap),Pasang Masda at PISTON na pawang nangako na tutulong na masolusyonan ang trapiko sa lungsod.
Nakiusap si Estrada na tulungan siya na walisin ang mga protektor ng illegal terminal/ parking sa lalong madaling panahon.