Apela ng bagong NCRPO chief sa publiko
MANILA, Philippines — Umapela sa publiko si National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief Director Camilo Cascolan na ipagbigay-alam agad sa pulisya ang impormasyon kung may nalalaman sila laban sa Chinese drug syndicate.
Apela ni Cascolan na, kung maaari, lahat ng komunidad ay magbigay ng impormasyon kung ano man ang nangyayaring hindi kanais-nais sa kanilang mga lugar at ireport agad ito sa pulisya.
Matatandaan na noong nakaraang linggo ay nakasabat ang pulisya ng milyong pisong halaga ng ipinagbabawal na droga mula sa Dragon Wu syndicates kung saan nadiskubre rin ang kanilang laboratoryo sa isang warehouse sa Malabon at Marikina.
“Sana ho ang lahat ng komunidad ay magbigay ng impormasyon kung ano man po ang nangyayaring hindi kanais-nais sa inyong lugar, ireport niyo po agad sa kapulisan,” ayon pa kay Cascolan.
Dahil sa pagkakadiskubre ng shabu laboratory kaya naghain si Malabon Rep. Frederico Sandoval ng isang resolution sa Kamara.
Sa ilalim ng nasabing resolution ni Sandoval, hiniling nito sa House Committee on Dangerous Drugs na pinamumunuan ni Surigao del Norte Rep. Ace Barbers na imbestigahan ang Dragon Wu drug ring na umanoy may ugnayan sa Golden Triangle drug cartel na kumikilos sa Thailand at Myanmar.