Shabu lab sa Marikina sinalakay

Iniinspeksiyon nina National Capital Region Police Office Chief Director Camilo Cascolan at Marikina City Mayor Marcelino Teodoro ang mga chemical sa paggawa ng shabu na natuklasan sa isang bahay sa Barangay Nangka, Marikina City.
Kuha ni Michael Varcas

MANILA, Philippines — Sinalakay ng mga tauhan ng pulisya ang isang taha­nan na ginagamit umanong shabu laboratory ng isang kilalang Chinese drug dealer na nagresulta sa pagkakakumpiska ng mga equipment at kemikal na hinihinalang ginagamit sa paggawa ng shabu sa Barangay Nangka, Marikina City kamakalawa ng gabi.

Ang mga naturang nakumpiskang equipment at kemikal ay iprinisinta sa media nina Marikina City Mayor Marcelino Theodoro, National Capital Regional Police Office Chief, P/Director Camilo Cascolan, Eas-tern Police District (EPD) Director P/Chief Supt. Reynaldo Biay, at Marikina City Police chief P/Senior Supt. Roger Quesada kahapon ng tanghali.

Batay sa ulat ng Marikina City Police, dakong alas-6:15 ng gabi kamakalawa ay nagkasa ng joint anti-illegal drug operation ang Marikina City Police-Station Drug Enforcement Unit (SDEU) at Station Intelligence Branch (SIB) katuwang ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA)- Eastern District sa tahanan ng kilalang Chinese drug dealer na si John Ming Shen alyas Macario Lim at Jiang Yonyuan na matatagpuan sa 48/60 Divina Gracia St., St. Mary Subdivison sa Barangay Nangka.

Ang pagsalakay ay isi-nagawa sa bisa ng Search Warrant No. 2018-84-MK na inisyu ni Executive Judge Anjanette De Leon Ortile ng Marikina Regional Trial Court Branch 156 matapos na makatanggap ng ulat na may shabu laboratory sa lugar.

Nagresulta naman ito sa pagkakakumpiska ng mga equipment at containers na may Chinese marking at naglalaman ng kemikal na hinihinalang ginagamit sa produksyon ng shabu.

Ayon kay Quesada, may kinalaman din ang pagsa-lakay sa anti-illegal drug operation na isinagawa kamakailan sa Batangas at Malabon City noong Abril 13 at 14, 2018 sa mga drug laboratory na sinasabing pagma-may-ari ng suspek.

Hindi pa naman batid ang kabuuang halaga ng mga nakumpiskang kemikal dahil habang isinusulat ang balitang ito ay nagsasagawa pa ng imbes­tigasyon, imbentaryo at identipikasyon sa mga ito ang mga tauhan ng EPD SOCO sa pangunguna ni P/Chief Insp. Albert Arturo.

Samantala, nakatakda namang isailalim sa imbestigasyon ng pulisya ang apat na katao, na kinabibilangan nina Lulu Wong, asawa ni John Ming Shen; lolang si Zheng Chonglo; at mga kasambahay na sina Eva Piyang at Maria Christine Baquiller Locsin matapos na maabutan sa loob ng bahay nang isagawa ang raid.

Matatandaang si John Ming Shen, na mula sa Fujian, China, ay una nang naaresto ng mga awtoridad noong nakaraang linggo nang salakayin ng PDEA ang isang ecstasy lab sa Malabon City.

Show comments