MANILA, Philippines — Nadakip ng mga tauhan ng pulisya ang 12 katao na kinabibilangan ng isang mag-ama sa isinagawang buy-bust operation sa isang hinihinalang drug den sa Barangay Holy Spirit sa Quezon City kahapon ng madaling araw.
Kabilang sa mga naaresto sina Robert De Leon, 39 at kanyang 17-anyos na anak na si alyas ‘Harry’; Pina Alban, 39; Prince George De Leon, 21; Prey Sanchez, 22; at Ricardo De Guzman, 42; alyas ‘Jerry,’ 16; Alexander Martinez, 22, crew; Ismael Alban, 37, painter; Don Ramos Serrano, 25, Danny Macarana, 47 at Kenneth Acuna Thomas, 27, pawang residente ng naturang barangay.
Ayon kay P/Supt. Rossel Cejas, commanger ng Quezon City Police District-Station 6, dakong alas-2:00 ng madaling araw nang isagawa nila ang operasyon sa tahanan ng mga de Leon sa 98 Sta. Maria St. sa Brgy. Holy Spirit.
Target umano ng operasyon si Robert na nasa drugs watchlist ngunit sa kanyang menor de edad na anak nakabili ng P200 na halaga ng shabu ang undercover na pulis kaya maging ito ay inaresto.
Bukod sa mag-ama, naabutan din sa drug den ang 10 iba pang suspek na ang iba ay naaktuhan pang nagsusugal.
Narekober ng mga pulis mula sa mga suspek ang 12 sachet ng shabu na nagkakahalaga ng P25,000, P200 na buy bust money, mga baraha at perang pantaya sa sugal.
Ang mga suspek ay sasampahan ng mga kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at Presidential Decree 1602 o illegal gambling.