100 pamilya nasunugan

Sinusuyod ng ilang mga nabiktimang residente ang nasunog nilang mga bahay sa Las Piñas City.
Kuha ni Joven Cagande

MANILA, Philippines — Mahigit sa 100 pamilya ang nawalan ng tirahan at  P.4 milyong halaga ng mga ari-arian ang naabo  nang tupukin ng apoy ang may  60 kabahayan sa Las Piñas City kamakalawa ng gabi.

Ayon kay Fire Officer 1 Rizaldo Agitan ng Las Piñas City Bureau of Fire Pro­tection, nagsimula ang sunog bandang alas-11:00 ng gabi sa bahay ng mag-asawang Rey at Amelia Tabuso sa Phase 2 Christ the King Subdivision ng nasabing lungsod.

Mabilis na kumalat ang apoy sa mga katabing bahay na pawang gawa lamang sa light materials.

Nahirapan umano ang mga bumbero na apulain  ang apoy dahil sa walang supply ng Maynilad  ang lugar kaya pahirapan sa pag-re-refil ng tubig sa mga fire truck.

Umabot ng ikaapat na alarma ang sunog at alas-2:00 ng madaling araw nang ideklarang fire out.

Wala naman naiulat na nasawi o nasugatan sa tatlong oras na sunog sa nasabing lungsod.

Show comments