Pinto ng MRT-3 train bumukas
MANILA, Philippines — Dahil sa pinto na biglang nagbukas kaya pinababa sa tren ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) ang mahigit 1,000 pasahero sa bahagi ng Mandaluyong City kahapon ng tanghali.
Ayon sa Department of Transportation (DOTr), dakong ala-1:17 ng hapon nang maganap ang unloading incident sa southbound lane sa pagitan ng Ortigas Station at Santolan Station ng MRT-3.
Sinasabing bumukas ang pintuan ng tren sanhi upang pababain na lamang ang mga pasahero ng bagon.
Naisakay naman kaagad ang mga pasahero sa kasunod na tren matapos ang anim na minuto habang ang nasirang tren ay dinala sa train depot upang kumpunihin.
Ipinahiwatig ng DOTr na maaaring isang dahilan ng pagkasira ng pinto ang pagsandal dito o sapilitang pagbukas nito.
Kaugnay nito, muli namang nagpaalala ang DOTr sa mga pasahero na huwag sandalan at piliting buksan ang pintuan ng mga tren upang hindi nagkaka-diperensiya ang mga ito.
Matatandaang una nang ipinag-utos ni Transportation Secretary Arthur Tugade sa MRT-3 na kasuhan ang sinumang pasaway na pasahero na mahuhuling sumasandal at nagbubukas sa mga pintuan ng tren na magiging dahilan ng aberya at pinsala sa tren at mga pasahero.
Samantala, inianunsyo ng MRT-3 na pasado 8:00 ng umaga kahapon ay nasa 15 tren ng MRT-3 ang operational at bumibiyahe na may headway na anim na minuto.
Ang MRT-3 ay bumibiyahe sa kahabaan ng Epifanio delos Santos Avenue (EDSA) mula Taft Avenue, Pasay City hanggang sa North Avenue, Quezon City at vice versa.
- Latest