MANILA, Philippines — Upang magkaroon ng sarili nilang pagkakakitaan sa kanilang paglaya, 100 preso sa Quezon City Jail ang nagtapos sa 18-araw na “hilot” training course na ibinigay ni Quezon City Vice Mayor Joy Belmonte para sa mga ito.
Ayon kay Belmonte, unang pagkakataon ito na naipatupad ang programa para sa mga QCJ inmates upang aniya’y matulungan ang Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) na ihanda sila sa kanilang pagbalik sa lipunan.
“Kapag nakalaya sila, nahaharap sila sa kapaligirang nagbibigay ng problema at humahadlang sa kanila na maging produktibong miyembro ng lipunan,” pahayag ni Belmonte.
Dahil sa diskriminasyon, karaniwan aniyang nahihirapan ang mga dating bilanggo o nagkakaso na makakuha ng trabaho at makapagsimulang muli kaya marami sa kanila ay bumabalik na lang sa dati nilang gawain.
“Kaya naisipan naming turuan sila ng kapakipakinabang na mga kakayahan na magbibigay sa kanila ng pagkakataong makapagsimula ng maliit na negosyo na maliit lang ang capital o wala,” sabi pa niya.
Pinangunahan ni Belmonte ang graduation ceremonies para sa unang grupo ng mga QCJ inmates na nagtapos sa 18-araw na Hilot (Wellness Massage) National Certificate II (NC II) course ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).
Ngayong may hawak na silang TESDA certificate, sinabi ni Belmonte na maaari nang pumasok na massage therapists ang mga nagtapos na preso o ‘di kaya’y maging “official community hilot” ng kanilang barangay oras na makalaya mula sa kulungan.
Sinabi ni Christian Bautista, head trainor ng Quezon City Skills and Livelihood Foundation, Inc. (QCSLFI) na karamihan sa mga nagsipagtapos ay may kasong pagnanakaw at drug case.