Bilihan ng droga ikinanta ng 3 durugista

MANILA, Philippines — Tatlong durugista ang napilitang “ikanta” ang pinagkukunan nila ng droga matapos maaresto ng mga  tauhan ng Quezon City Police District (QCPD) sa isinagawang buy-bust operation sa Quezon City kahapon ng umaga.

Nang arestuhin  ng mga tauhan ng Cubao Police Station ang mga naaktuhang nagpa-pot session na sina Eddie Oblero, Chris Nazarita at Mario Cortez, pawang nasa hustong gulang sa Ba­rangay San Roque, Quezon City ay agad na itinuga ng mga ito ang kanilang pi­nag­kukunan ng shabu na nakilalang si Jing Amit, 38.

Mabilis na nagsagawa ng follow-up operation at pinuntahan ang tahanan ni Amit sa nasabi ring barangay at inaresto rin ito dakong alas-10:00 ng umaga. 

Sa himpilan ng pulisya ay itinanggi ni Amit na sa kanya galing ang shabu at sinabing nagbabantay lamang siya ng sanggol nang siya ay arestuhin. 

Tinutugis pa ang kasama ni Amit na nakilalang alyas ‘Jaja’ na  agad tumakas nang maispatan umano ang mga paparating na awtoridad, at iniwanan ang kanyang  anak na binabantayan ng una.

Ayon sa pulisya, pumapayag umano si Amit na gamitin ang kanyang bahay sa mga bumibili ng shabu at nagpapabayad pa ito ng P20 kada ulo para sa mga nais magpa-pot session doon.

Nakumpiska sa mga suspek ang pitong sachet ng hinihinalang shabu na may halagang P14,000.

 

Show comments