MANILA, Philippines — Nasa humigit kumulang sa 200 pamilya ang nawalan ng tirahan matapos masunog ang bahay ng nasa 100 informal settlers kamakalawa ng hapon sa Parañaque City.
Sa report ng Parañaque City Fire Department, nagsimulang sumiklab ang apoy pasado alas-5:00 ng hapon sa Balicanta Compound, Better Living, Brgy. Don Bosco.
Dahil gawa sa light materials kaya nilamon ng apoy ang nasa 100 kabahayan na nagresulta upang mawalan ng tirahan ang humigit kumulang na nasa 200 pamilya.
Tumuloy muna pansamantala ang mga ito sa F. Serrano Sr. Elementary School at agad na itinaas sa ikalawang alarma ang sunog makalipas ang 30 minuto.
Sinasabing may mga batang naglalaro ng siga bago sumiklab ang apoy at kuwento pa ng ilang residente, sunud-sunod ang pagputok ng mga kawad ng kuryente na lalung nagpalaki umano ng apoy.
Humihingi ng tulong ang mga nasunugan dahil marami sa kanila ang nawalan ng gamit.