MANILA, Philippines — Inatasan ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Arthur Tugade ang pamunuan ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) na sampahan ng kaukulang kaso ang sinumang pasahe-ro na ‘pasaway’ na magiging sanhi ng aberya ng kanilang mga tren.
Ang kautusan ni Tugade ay kasunod ng naganap na aberya sa isang tren ng MRT-3 na napilitang magpababa ng may 1,000 pasahero nitong Biyernes ng umaga matapos na hindi sumara ang pintuan nang umano’y sapilitang buksan ng isang pasahero.
Sa direktiba ni Tugade sa MRT-3, nais niyang matukoy kung sino ang naturang pasahero na sanhi ng aberya para sampahan ng kaukulang kaso.
Dismayado si Tugade sa naturang pasahero na naging sanhi ng unloading incident sa Santolan-Annapolis Station, na siyang kauna-unahang aberya na naitala ng MRT-3 simula nang magbalik-biyahe ito noong Abril 2 matapos ang kanilang limang araw na general maintenance activities noong Mahal na Araw.
Sinabi ni Tugade na, bagaman nakasakay rin kaagad ang mga pinababang pasahero sa kasunod na tren matapos ang apat na minuto, ay hindi dapat na palampasin ang ganitong mga pangyayari.
Ipinaliwanag ng kalihim na bukod sa abala at inconvenience na dulot sa mga kapwa pasahero ay nagi-ging sanhi rin ng pinsala at panganib ang mga ganitong insidente kaya hindi ito dapat na palampasin.
Ang MRT-3 ay bumibiyahe sa kahabaan ng EDSA mula Taft Avenue, Pasay City hanggang North Avenue, Quezon City at vice versa.