MANILA, Philippines — Lulubha pa ang mabigat na daloy ng trapiko ngayong Lunes partikular sa Ortigas Center sa Mandaluyong City at ibang bahagi ng Eastern at Southern Manila dahil sa limang oras na dry run ng convoy para sa ika-51 Asian Development Bank (ADB) Annual Meeting.
Sa abiso ng Metropolitan Manila Development Authority, ilan sa mga lugar na maaapektuhan ay ang mga kalsada sa Ortigas Center partikular sa ADB Avenue, EDSA-Shaw Boulevard, NAIA Expressway, Skyway, Imelda Avenue, at Southern Luzon Expressway.
Magsisimula ang ‘dry run’ ng convoy dakong alas-7:00 ng umaga mula sa NAIA hanggang alas-12 ng tanghali sa may ADB Avenue sa Ortigas Center.
Pinayuhan na lamang ng MMDA ang mga motorista na iwasan ang Ortigas Center ng naturang mga oras lalo na ang mga hindi importante ang pakay sa lugar upang hindi maabala.
Ang ADB Meeting, kung saan ang Pilipinas ang host, ay gaganapin mula Mayo 3 hanggang 6 at lalahukan ng mga delegado buhat sa iba’t ibang bansa.