MANILA, Philippines — Inaresto ng mga tauhan ng Quezon City Police District ang isang actor/comedian na dati ring barangay kagawad matapos siyang ireklamo ng ‘pangmomolestiya’ sa kanyang menor na edad na inaanak sa Bara-ngay North Fairview, Quezon City, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ni QCPD Director P/Chief Supt. Guillermo Eleazar ang suspek na si Philip Supnet na lalong kilala bilang Kuhol sa movie industry, 58, nakatira sa No.7 Axtell St., North Fairview.
Ayon kay Supt. Benjamin Gabriel, station commander ng QCPD Station 5, dakong alas-8:00 ng gabi nang halikan umano sa labi ni Kuhol ang kanyang sampung taong gulang na inaanak sa loob ng tindahan ng aktor.
Sinasabing nagpa-load ang biktima sa tindahan ng actor noong anyayahan siya nito na pumasok sa loob ng tindahan saka biglang halikan sa labi.
Nagpumiglas ang bata pero tinakot umano ni Kuhol at sinabihang “Huwag kang maingay at magsumbong, balik ka bukas”
Pero pag-uwi ng biktima ay agad itong nagsumbong sa kanyang mga magulang na siyang nagreklamo sa mga barangay official at pulisya kaya inaresto ang actor.
Sa himpilan ng pulisya ay inamin naman ng suspek na hinalikan nga niya ang kanyang inaanak pero hindi umano sa labi, sa halip ay noo lamang, bilang tanda ng kanyang pagiging pangalawang ama sa biktima.
Humingi na ng paumanhin ang actor pero desidido ang pamilya ng bata na sampahan ng kaso ang suspek.
Sa ngayon, ani Gen. Eleazar, nahaharap na ang actor sa kasong paglabag sa Republic Act 7610 o Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act.
Si Kuhol ay kilala sa pagpapatawa nito sa kanyang mga palabas sa pelikula at nakasama na siya sa ilang pelikula ni dating comedy King Dolphy.