MANILA, Philippines — Isang 62-anyos na lolo na si Leodegario Erguiza ng no. 80 Ems Barrio, Barangay Marulas, Valenzuela City ang dumulog sa pulisya makaraang mabiktima ng budol-budol gang kamakalawa ng hapon at matangayan ng halagang P15,000.
Kakukuha pa lamang ni Erguiza sa perang padala sa kanya ng kanyang kapatid sa isang sanglaan na may courier services sa may Pio Valen-zuela Street, Brgy. Marulas nang maganap ang krimen.
Paglabas sa establisimi-yento, isang babae at lalaki ang lumapit sa kanya na nagpakilalang kaklase umano ng kanyang kapatid at kagagaling lamang buhat sa Canada.
Dito ibinigay sa kanya ng lalaki ang isang maliit na brown envelope na naglalaman umano ng US$100 at sinabihan siya na ilagay din sa loob ng kanyang pitaka. Dito siya nilito umano ng mga suspek nang kuwentuhan siya na ikakasal ang kanyang anak kinabukasan.
Ipinakita naman sa kanya na isinama ang kanyang pera sa loob ng brown envelope at inilagay sa bulsa ng kanyang pantalon. Ibinigay sa kanya ang isang piraso ng papel na nakasulat ang umano’y mga pangalan nila at contact numbers saka nagsialis.
Nang inspeksyunin ng biktima ang brown envelope, wala pala itong laman at natangay na ang kanyang pera. Inikot naman ng biktima ang lugar ngunit hindi na mahagilap ang mga suspek.