MANILA, Philippines — Dahil sa sobrang pagsisiksikan at nakakasulasok na amoy, isang preso ng Pasay City Jail ang nasawi habang pito pa ang isinugod sa pagamutan makaraang pawang himatayin, kamakalawa ng gabi.
Hindi na umabot nang buhay sa Pasay City General Hospital ang 35-anyos na si Domingo Delos Santos, nakulong dahil sa kaso sa iligal na droga habang nasa maayos na kundisyon na ang pito pang preso.
Sa ulat ng Station Investigation and Detective Ma-nagement Bureau, alas-10:30 ng gabi nang bulabugin ng higit 100 bilanggo ang naturang piitan upang tawagin ang pansin ng mga bantay ng bilangguan dahil sa pagkahimatay ng walo nilang kasamahan.
Agad namang rumesponde ang Pasay City Disaster Risk Reduction and Management Office (DRRMO) at isinugod sa naturang pagamutan ang mga inmates ngunit hindi na umabot ng buhay si Delos Santos na inatake sa puso.
Ayon kay P/Chief Insp. Wilfredo Sangel, hepe ng SIDMB, nasa 30 preso lamang ang kapasidad ng kanilang bilangguan ngunit umaabot na sa 143 ang nakaditine dito. Bukod kasi sa mga nahuhuli ng SIDMB, dito rin ikinukulong ang mga nahuli sa kasong iligal na droga at maging sa mga paglabag sa ordinansa ng lungsod kaya napakatindi ng siksikan.
Sumabay pa ang pag-init ng panahon kaya nagresulta ito ngayon ng pagkakasakit ng mga bilanggo at pagkakahawaan dahil sa hindi na matutukan ang kanilang sanitasyon.
Ganito rin ang nangyayari ngayon sa iba pang mga bilangguan kung saan isa ring preso ang nasawi naman sa Caloocan City Police Detention Center kamakailan dahil rin sa pagkakasakit dulot ng siksikan.