MANILA, Philippines — Matagumpay na nailigtas ng mga operatiba ng PNP-Anti Kidnapping Group (PNP-AKG) ang isang Japanese national at isang Pinoy na dinukot habang arestado ang tatlong kidnapper sa isinagawang serye ng operasyon sa Plaridel, Bulacan, Pasig at Parañaque City nitong nakalipas na linggo.
Iprinisinta kahapon nina PNP Chief P/Director General Ronald “Bato” dela Rosa at PNP-AKG Chief P/Sr. Supt. Glenn Dumlao ang nasakoteng mga suspek na sina Miyashita Takashi, isa ring Hapones at pugante; Roberto Reyes at kapatid na si Reggie Reyes sa follow-up operations sa Parañaque at Santolan, Pasig.
Ayon kay dela Rosa sa tulong ng Japanese Embassy, matagumpay na nailigtas ang mga kinidnap na biktima na sina Yuji Nakajima, 32 at isang Vergel Lumague sa rescue operation sa Plaridel, Bulacan nitong linggo.
Nabatid kay PNP-AKG Director P/Sr. Supt. Glenn Dumlao na si Takashi, isa ring negosyante ang nag-set up upang makidnap si Nakajima, at kasabwat ang dati nitong kasosyo sa negosyo na si Yusoke Obara. Si Obara ay kasama ni Nakajima nang dumating sa Pilipinas noong Marso 22, 2018.
Ayon kay Dumlao, ang biktimang Hapones ay ipinahamak ng kaibigan nito kaya nakidnap ng mga suspek na naghiganti umano dahil sa namagitang sigalot sa kanilang negosyo.
Lumilitaw na ang magkapatid na Reyes ang sumundo kay Nakajima sa tinutuluyan nitong hotel kung saan sinabing sasamahan siya papunta kay Takashi na nais makipag-usap sa huli. Samantalang tumawag pa umano si Nakajima kay Yusoke na sinabing sumama siya sa magkapatid na Reyes kung saan dinala siya at ikinulong sa isang bahay sa Plaridel, Bulacan.
Ayon kay Dumlao, dito na nagsimula ang negosasyon kung saan humihingi ang mga kidnappers ng ransom kapalit ng kalayaan ni Nakajima pero hindi na tinukoy ng opisyal kung magkano ang nasabing halaga.
“Through sa tawag nila sa pamilya at Japanese Embassy doon na nagkaroon kami ng vital information,” dagdag pa ni Dumlao na sinabing ang mga suspek ay may mga decals at IDs ng National Bureau Investigation (NBI).
Nabatid na dakong alas-2 ng hapon noong Abril 5, humingi ng tulong si Supt. Takayashi Nakayama at tatlo pang kinatawan ng Japanese Embassy sa PNP-AKG matapos na makatanggap ng impormasyon sa kinaroroonan ng mga kidnappers. Ikinasa agad ang rescue operation at nasagip bandang alas–3 ng hapon sina Nakajima at Lumague sa Plaridel, Bulacan.
Samantalang matapos ang debriefing sa mga nasagip na bihag, nasakote ng mga sumunod na araw ang tatlong suspect sa serye ng operasyon sa Evangelista St., Santolan, Pasig City at Parañaque City.
Sa kasalukuyan, pinaghahanap pa ng PNP ang dalawa pang Pinoy na suspek at ang Hapones na si Yusoke.