Trike driver todas sa seaman
MANILA, Philippines — Patay ang isang 31-anyos na tricycle driver matapos na barilin ng isang jeepney driver na seaman nang magka-engkuwentro sa panulukan ng Antonio Rivera at La Torre st., sa Tondo, Maynila, kamakalawa ng hapon.
Idineklarang dead-on-arrival sa Jose Reyes Memorial Medical Center (JRMMC) ang biktimang si Robert Padilla, 31 anyos, may live-in partner at residente ng 015 Narra St., kanto ng Bambang St., Tondo.
Tinutugis naman ang suspek na kinilalang si Robert Gulapa Mendoza, 31, may live-in partner, driver at residente ng 2876 B Orion St., Tondo, Maynila.
Nabatid sa mga kakilala ng suspek at kaanak na isang seaman ang suspek na kapag walang sakay sa barko ay masipag na naglalabas ng pampasaherong dyip at nagbibiyahe rin ng sasakyan sa Uber.
Sa inisyal na ulat ni PO3 Tom Jay Fallar kay Manila Police District-Station 2 chief, P Supt. Santiago Pascual III, naganap ang insidente alas-3:20 ng hapon nitong Sabado sa A. Rivera panulukan ng La Torre St., Tondo.
Sa naging pahayag ng operator ng biktima na si Gilbert Caagbay Monte, 33 , habang may inaayos siyang tricycle nang dumating ang biktima at suspek, Ipinaalam sa kanya ang pagkabunggo ng tricycle na minamaneho ng biktima sa dyip ng suspek sanhi upang masira.
Matapos ang paliwanagan, nakipagkasundo na umano ang suspek sa biktima na ipaayos ang pinsala ng tricycle o magkaroon ng amicable settlement.
Sa kabila nito, naghamon pa umano ang biktima sa suspek hanggang sa nauwi sa suntukan. Tinangka pa umanong saksakin ng biktima ang suspek hanggang sa kinuha naman ng huli ang itinatagong baril sa kanyang dyip at agad na pinaputukan ang biktima.
Hindi umano magkakilala ang biktima at suspek at nagka-engkuwentro lamang matapos ang banggaan ng kanilang sasakyan.
Mabilis na tumakas ang suspek dala ang baril na ginamit sa krimen at iniwan na lamang na nakaparada sa tapat ng kanyang bahay ang dyip na may plakang TWJ 591 matapos ang pamamaril.
- Latest