Noise barrage nauwi sa gulo: 9 preso sugatan

MANILA, Philippines — Siyam na bilanggo sa Metro Manila District Jail sa Taguig City ang nasugatan sa gulong naganap sa naturang piitan makaraang magsagawa ng ‘noise barrage’ at manira ng mga gamit ang mga preso, kamakalawa ng gabi.

Biniberepika pa ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng siyam na inmates na kabilang sa mga nagsagawa ng ‘noise barrage’ sa kanilang mga selda sa MMDJ sa Camp Bagong Diwa, Bicutan, Taguig City dakong alas-9 ng gabi.

Ayon kay J/Sr. Insp. Xavier Awican Solda, tagapagsalita ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), pinamunuan ng mga pasaway na preso ang noise barrage na iginigiit ang paglipat sa kanila sa ibang selda. Pinagsisira pa umano ng mga preso ang kanilang mga higaan para makagawa ng ingay at ibinarikada sa pasukan ng Detention 1 habang sinira rin ang ‘close circuit television camera (CCTV)’.

Dahil dito, napilitan ang mga tauhan ng BJMP na hagisan ng tear gas ang mga bilanggo upang mapigilan ang pagwawala.  Nang humupa ang gas makalipas ang 20 minuto, dito na tumambad ang siyam na sugatan na preso na mabilis na isinugod naman sa pagamutan.

Inakusahan naman ng mga kaanak ng mga bilanggo na nakarinig sila ng sunud-sunod na putok ng baril na maaaring dahilan ng pagkakasugat ng mga inmates.  Inamin naman ito ni Solda ngunit iginiit niya na ‘warning shots’ lamang ang pinaputok ng kanilang mga tauhan para mapahupa ang pagwawala ng mga bilanggo.

Nanindigan si Solda na nagpatupad sila ng ‘maximum tolerance’ at napilitan lamang na maghagis ng tear gas canisters nang magkaroon na ng banta sa buhay ng kanilang mga jailguards at sa ibang mga bilanggo.

Dahil sa pangyayari, pansamantalang ipinahinto ng BJMP ang pagpasok ng mga dalaw habang pinahuhupa ang tensyon sa bilangguan at habang nagsasagawa ng masusing imbestigasyon upang matukoy kung sino ang mga pasimuno ng kaguluhan. 

Show comments