MANILA, Philippines — Todas ang dalawang obrero makaraang lumusong sa isang manhole upang magtanggal ng tubig at sinasabing na-suffocate dahil sa mabahong amoy sa loob ng naturang imburnal sa Marikina City, kahapon ng hapon.
Kinilala ni P/Senior Supt. Roger Quesada, hepe ng Marikina City Police, ang mga nasawi na sina William Barindino at Eduardo Santos, kapwa nasa hustong gulang na trabahador ng FF Cruz company.
Ayon kay Quesada, dakong alas-10:30 ng umaga ay lumusong sa manhole na matatagpuan sa Barangay Malanday, ang mga biktima upang magbaba ng water pump, na gagamitin sana nila sa pagtatanggal ng tubig.
Gayunman, hindi na nakalabas pa ang mga ito ng buhay sa loob ng manhole.
Ayon kay Quesada, tinangka naman silang sagi-pin ng kanilang kasamahan sa trahabo ngunit hindi nito nakayanan ang amoy ng imburnal kaya’t nanghingi na lamang ng tulong sa mga awtoridad.
Dakong alas-2:15 ng hapon na nang marekober ng mga awtoridad ang mga bangkay ng mga biktima
Sa ngayon ay nagsasagawa pa ng masusing imbestigasyon ang mga awtoridad sa naganap na insidente upang matukoy kung may pagkukulang ba ang kompanyang pinapasukan ng mga biktima, na nagresulta sa kanilang kamatayan, matapos na payagan ang mga ito na bumaba sa manhole ng walang safety gears.
Paliwanag ni Quesada, talagang mabaho sa loob ng imburnal dahil sa kulob ito ay marami pang ‘methane gas’ sa loob ng manhole na siyang sinasabing dahilan ng pagkamatay ng dalawang obrero.