MANILA, Philippines — Natimbog ng mga tauhan ng Taguig City Police ang ika-anim na ‘most wanted’ na kriminal sa buong Metro Manila nang magsagawa ng operasyon sa tinutuluyan nitong bahay sa lungsod, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ni National Capital Regional Police Office (NCRPO) chief, Director Oscar Albayalde ang nadakip na si Joey Monterde, alyas Pusa, 34, ng Holy Family Village, Brgy. Bagumbayan, ng naturang lungsod.
Alas-7:50 ng gabi nang salakayin ng mga tauhan ng Taguig City Police ang bahay ng suspek makaraang makatanggap ng impormasyon ang mga pulis na nagbalik dito si Monterde. Hindi na nakapalag ang suspek nang mapalibutan ng mga pulis ang kanyang tinutuluyang bahay at ihain sa kanya ang warrant of arrest buhat kay Judge Antonio Olivete ng Taguig City Regional Trial Cout Branch 267 sa kasong carnapping.
Sa naturang operasyon, nakumpiska ng mga pulis ang walong plastic sachet ng hinihinalang shabu at isang kalibre .38 baril.
Nabatid na nagtatago si Monterde gamit ang pangalang Oliver Vargas at ilang taon nang pinaghahanap ng mga pulis. Isa umanong ‘high value target’ ang suspek na nakalista bilang Top 6 most wanted ng NCRPO at sangkot sa iba’t ibang krimen tulad ng robbery hold-up, carnapping at iligal na droga.