MANILA, Philippines — Inihayag kahapon ni Manila Mayor Joseph Estrada na hindi siya manghihinayang na gumugol ng malaki para sa de- kalidad na edukasyon kung lilikha naman ito ng magagaling at mahuhusay na mag-aaral mula sa lungsod.
Inihayag ito ni Estrada sa kanyang pagdalo sa pagtatapos ng mga mag- aaral sa Arellano High School (formerly Manila North) sa 3rd district, Araullo High School sa 5th district at Torres High School sa 1st district.
Ayon kay Estrada, umaabot sa P4.373 bilyon ang ginugol ng city government sa mga pagpapaayos ng mga luma at bagong gusali ng mga pampublikong paaralan sa lungsod upang mas maging maayos ang pag-aaral ng mga estudyante.
Sa harap ng mga guro at magulang ng mga batang nagsipagtapos, ikinuwento ni Estrada na ginagawa niya ang higit sa kanyang kaya upang maibigay ang lahat ng kaila-ngan upang mapagkalooban ng de-kalidad na edukasyon at makatapos sa pag-aaral ang lahat ng batang Manilenyo.
Ani Estrada, hindi nakatanggap ng nauukol na pagkilala at respeto ang mga guro sa nakaraang administrasyon at upang kilalanin ang kanilang dedikasyon at mahirap na trabaho sa pagbibigay ng edukasyon sa mga kabataan, dinagdagan niya ng P2,000 ang buwanang allowance ng mga guro, bukod ito sa tinatanggap na sahod kada buwan.
Kasunod nito, nangako si Estrada na gagawan niya ng paraan upang mabigyan pa ng dagdag na benepisyo ang mga titser.