MANILA, Philippines — Idineklara na ng mga awtoridad na fire out ang sunog sa Waterfront Manila Pavilion Hotel and Casino sa Maynila ngunit limang buhay naman ang kinuha nito.
Tumagal ng higit isang araw ang sunog na tuluyang naapula ganap na 10:56 ng umaga kanina.
Kinilala ang mga nasawing biktima na sina Edilberto Evangelista, Marilyn Omadto, Rey de Castro, John Mark Sabido at Jo Cris Banang na pawang mga empleyado ng Philippine Amusement and Gaming Corporation.
Samantala, isang empleyado ng hotel ang kritikal pa rin ang lagay sa ospital.
“PAGCOR assured us na wala nang missing sa roster nila, all accounted for. Still, we’re hoping na wala ring naiwan sa rooms. Hindi pa naakyat ng mga bumbero ‘yung loob mismo isa-isa,” pahayag ni Jojo Garcia, acting Metropolitan Manila Development Authority general manager.
Inaalam pa rin naman ang pinagmulan ng sunog na tumupok sa hotel. Sinabi ng mga taga Bureau of Fire and Protection na “totally damaged” ang una hanggang ikapitong palapag ng hotel.