MANILA, Philippines — Isang executive assistant ng consultant for fashion ni Pangulong Rodrigo Duterte ang nagreklamo matapos siyang mabiktima nang overcharging fare nang sumakay ito ng taxi sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 2 noong Marso 2, 2018 ng hatinggabi.
Ayon kay Airport Police Officer 2 Roderick Mejia, ng Intelligence and Investigation Division (IID) ng Airport Police Department (APD) ng NAIA, isang Suzanne Naga, executive assistant ni Melody Pimentel, fashion consultant ni Pangulong Duterte ay dumating sa NAIA Terminal 2 noong Marso 2 at pumara ito ng taxi para magpahatid sa Terminal 3 dahil nagkamali ng pinuntahan ang susundo sa kanya.
Base sa imbestigasyon, kinontrata diumano ng sinasabing isang Bong Leoligao ng Austein Taxi (TYK 962) sa halagang P600 si Naga para magpahatid sa Terminal 3 at hiningan pa umano ito ng karagdagan P45.00 para sa toll fee sa skyway.
Habang nasa loob ng taxi, nalaman ni Leoligao, na si Naga ay pupunta sa Makati area at doon kinontrata diumano siya ng taxi driver ng karagdagan P1, 200, kaya sa takot mabilis itong bumaba sa taxi pagdating sa NAIA terminal 3.
Samantala, kinabukasan pumunta si Naga sa IDD-NAIA para ireklamo ang taxi driver kaya isang follow up operation ang ginawa ng APD. Nakita ang taxi driver sa terminal 2, alas-10:00 kamakalawa ng gabi kaya kaagad itong inimbitahan sa IDD headquarters.
Napag-alaman sa pagsisiyasat na ang plate number na TYK 962 ng Austein taxi ay peke diumano at ito ay nakarehistro sa isa umanong Avanza.
Gayunman, itinanggi ito ni Leoligao at sinabi nito na nabili niya diumano ng P70,000 ang plate number sa Central Office ng Land Transportation Office (LTO).
Gayunman si Leoligao ay pansamantalang nasa IID headquarters para sa kaukulang imbestigasyon at kung mapatunayan na may kasalanan siya ay kakasuhan ng estafa/swindling ng APD.